
Para sa iyo. Minsan ang mga kwento natin, mas masarap maulit kahit huli na ang lahat.
Please read "Oo Na" (first part) first before proceeding.
Click here for the first part.
-------------------------
Click here for the first part.
-------------------------
Sa pag-andar na iyon ng taxi, sa paglayo kay Paolo, naglalaban ang isip ko at ang puso ko.
Naglalaban.
Giyera sa loob-loob ko. Minumura ang isa't-isa. Hindi ko alam kung sino ang papanigan dahil mahalaga para sakin ang bawat isa. Hindi ko alam kung sino ang tama pagkat pareho silang tama.
Eto na naman. Lumalambitin sa dulo ng mata. Hindi ko na pipigilan. Alam ko namang tutulo parin siya.
-
Nag-aabang na ako ng taxi nang marinig ko yung boses niya sa likod ko. Hinayaan ko lang siya sa paglapit habang inis na inis na ako sa tagal ng bakanteng taxi na mapapara. Hindi ko siya lilingunin. Hindi papansinin. Kung nagkataon, makikita niya ang kahinaan ko. Matatalo ako.
"Umiiyak ka."
Tahimik lang ako. Walang sagot. Pinakiramdaman ko siya. Ngayon, nasa likod ko na siya. Malapit, lumalapit. Nakakainis.
"Mahal mo rin ako, 'di ba?"
Nasa harapan ko na siya ngayon. Titig na titig siya sakin samantalang sa kalsada ako nakatingin. Nanghahagilap ang mga mata ko sa kung anong pwedeng masakyan paalis ng lugar na iyon.
"Kilala kita, hindi mo ako matitiis," sabay abot sa kamay ko para iparamdam ang init niyon. Para makiramdam. Para sumabay ang pulso naming dalawa.
Oo. Mahal kita. Oo, hindi talaga kita matitiis. Pero sisirain lang natin lahat. Sisirain lang natin pati buhay natin. Naisip ko pero hindi nasabi.
"Jo, sorry na. Ayaw mo ba yun? Mahal kita!"
Matagal na kitang mahal. Matagal na. Hanggang ngayon. Hanggang bukas. Hanggang kailan mo gustuhin, sigurado, mahal kita. Pero... Hindi ko na natuloy ang pag-iisip ko sa pagdating ng taxi.
Sumakay ako agad matapos parahin at tumigil sa harap ko.
"Jo," pagmamakaawa niya.
Hindi ko siya sinulyapan. Pinipilit na 'wag pansinin. Para rin ito sa ikabubuti natin Paolo. Para sa atin.
Umandar na yung taxi. Maya-maya'y narinig ko yung boses ng driver.
"San po tayo?" tanong niya habang tinitignan ako mula sa rear view mirror.
"Sa Marcos Highway po." Hindi ako sigurado kung malinaw ang pagkakaintindi niya sa sinabi ko. Garalgal na'ng boses ko dahil sa pagkakaiyak na iyon.
"Marcos Hi-way ba?" ulit niya. Hindi nga niya naintindihang masyado.
Tumango na lang ako.
Hindi pa nakakalayo yung taxi. Gusto kong sulyapan si Paolo habang palayo ako sa kanya. Gusto ko siyang makita. Gusto kong maawa. Pero ayaw ng isip ko.
Ayaw ko.
Sa pag-andar na iyon ng taxi, sa paglayo kay Paolo, naglalaban ang isip ko at ang puso ko.
Naglalaban.
Giyera sa loob-loob ko. Minumura ang isa't-isa. Hindi ko alam kung sino ang papanigan dahil mahalaga para sakin ang bawat isa. Hindi ko alam kung sino ang tama pagkat pareho silang tama. Hindi ko alam kung paano na nga dahil magulo.
Sila.
Ako.
Nakakainis. Nagkataon ngang nasa iisang katawan nga ako, wala namang pagkakaisa.
-
Pagkabukas ni Auntie ng gate at makita ang lungkot sa itsura ko, agad niya akong niyakap. Di muna niya nilutas ang pagtataka sa pagkakita sa aking umiiyak sa gate. Matagal ang yakap na iyon. Nag-uusap ang puso namin, inaalo ako. Batid niyang mas mabisang panlunas ang yakap niya, ang suporta niya sa pagkakataong iyon.
Nang magtagal ay pinapasok na niya ako. Alam kong siya lang ang makakatulong sa akin ngayong malayo sa akin si mama na nasa abroad.
"Mag-usap kayo, Jo. Kausapin mo siya," payo niya. "Sayang naman yang pinagsamahan niyo. Sabihin mo lahat sa kanya. Lahat. Lahat ng sinabi mo sakin ngayon."
"Kaya ko ba? Ayoko pa."
Niyakap niya ako. Sa pagkakataong iyon, mahigpit. Mainit. Inaalis ang lamig na nararamdaman ko sa katawan. Sa puso, sa isip.
"Balang araw, magiging ready ka rin. Magkakaintindihan kayo," dagdag niya sa mainit na yakap na iyon.
Pinayuhan niya akong magpahinga muna.
Sinamahan niya ako sa kwartong tinutuluyan ko sa t'wing umuuwi ako dun. Pagkatapos ay iniwan niya ako. Bago isara ang pinto, sinabihan niya akong bumaba lang ako para kumain kapag gutom na ako. Nagpasalamat ako sa kanya. Alam kong batid niya na kailangan ko munang mag-isa. Mag-isip. Para mapanatag. Para maging mahinahon.
-
Bakit nandito na naman ako? Alam ko, sigurado ako. Ito yung restaurant kung saan nangyari ang lahat.
Walang masyadong tao nun. May isang mesang maganda ang pagkakaayos. Maghihintay. Maiinip. Maghihintay.
Hindi ko napansin na lumalapit pala ako sa kanya. Gusto kong sabihin kung ano ang mangyayari. Gusto kong malaman niya na huwag nang pahirapan ang sarili niya.
Unti-unti akong lumalapit sa kanya. Napansin ata niya ako at tumingin siya sa akin. Hinawakan ko ang kamay niya pero ... pero para akong humawak sa kawalan.
Tinignan ko ang kamay ko at humawak uli sa kanya. Ganoon parin, wala parin akong masagi. Tumatagos lang sa kamay niya ang kamay ko.
Tumayo siya at dumaan sa akin. Tumagos ang katawan niya sa katawan ko. Nilingon ko siya. Palabas na siya ng restaurant. Alam kong makakasalubong niya roon si Paolo at babalik sa mesa.Masakit sa ulo. Bakit nangyayari ito uli lahat? Bakit bumabalik sakin lahat, itong pangyayaring 'to? Itong kamaliang ito?
Nangyari na yung sagutan. Pinagtitinginan na sila ng mga waiter at mga customer na katabi ng table nila.
Tapos na.
Lumabas na ako. Sumunod sa akin si Paolo. Lumabas rin ako.
Natunghayan ko ang pagmamakaawa ni Paolo na kung kanina'y nakita ko, hindi ko nga siya matitiis.Nakaalis na ako matapos makasakay sa taxi. Pero hindi umalis si Paolo sa kinatatayuan niya. Blanko ang mukha. Talunan, walang magawa.
Linapitan ko siya, umaasang mahahawakan ko na siya ngunit tumagos rin ang katawan ko sa kanya. Napasuntok siya sa pader ng parking lot na nasa harap ng restaurant. Dumugo iyon pero tiniis niya. Masakit pero kinakaya.
Tatawid na siya ng daan nang may papalapit na sasakyang babangga sa akin. Nasilaw ako sa headlights nito at napapikit ako ng mata.
-
Pagmulat ko ay nasa kwarto na ako ng tita ko. Pinakiramdaman ko ang paligid. Pinakiramdaman ko ang sarili. Hindi naman ako nabangga. Wala naman akong sakit na nararamdaman. Hindi ako nabangga.
Tumingin ako sa orasang nasa kaliwa ng kama. Alas otso na pala ng gabi. Nakita ko ring madilim na sa labas. Umuulan. Malakas. Masarap sa tenga. Parang lahat ng patak binabati ako. Pinapasaya ako.
Pumikit ako. Pinakinggan ang musikang nagagawa ng mga patak sa mga bagay na gusto nitong halikan. Ngayon ko lang nagustuhan ang ulan. Ngayon ko lang narinig ang mga boses nila. Pero higit sa lahat, alam kong nakikisimpatya sila. Nakikisama. Dumadamay.
Ngumiti raw ako. Tumawa. Magsaya.
Nagring yung phone ko. Si Paolo iyon. Hindi ko sinagot matapos ang ilang sandaling pagtatanong sa sarili kung kaya ko na ba. Pagkatapos ng pagring na iyon ay nakita kong marami nang mga tawag at message akong narereceive. Lahat, galing kay Paolo. Lahat, pawang humihingi ng sorry.
Tumunog uli yung phone. Sa pagkakataong ito, sinagot ko na yung tawag na iyon. Bahala na.
"Jo, hello? Jo."Nakaupo ako sa kama ko. Nakikinig sa kanya, hindi sumasagot.
"Alam ko, nakikinig ka Jo... Sorry na Jo."
Hindi pa rin ako umiimik. Nakakatawa. Bakit siya nagsosorry? Wala naman siyang nagawang masama. Ewan ko. Feeling ko, ang sama ko. Wala talaga siyang kasalanan.
"Hindi ako aalis dito hanggat 'di mo 'ko pinapatawad.
Napatayo ako matapos niyang masabi iyon at tinungo ang bintana. Nasa labas siya, sa gate habang sinasalo ang lakas ng ulan. Nakita niya ako na nakatingin mula sa bintana.
"Ano 'to, blackmail?" joke lang iyon. Dagli kong inend yung call para bumaba at puntahan siya sa gate.
Napaatras siya nang makita niya akong umalis sa bintana. Hindi niya napansin yung sasakyan na mabilis na bumangga sa kanya.
Hindi ko alam na mangyayari iyon paglabas ko ng bahay. Pagkakita ko sa kanya mula sa gate, hindi ko na alam ang gagawin, ang nangyayari sa isip ko.
Isinigaw ko'ng pangalan niya. Agad ko siyang niyakap. Mainit ang yakap na iyon para mabawasan ang lamig na nararamdaman niya.
Umubo siya. Dugo ang idinulot nun.
"Salamat, Jo"Isang mas mainit na yakap ang iginanti ko. Hanggang mawala si Paolo sa kamay ko. Hanggang ang kanina'y mainit na bagay na yakap ko ay nawalan ng init at nagmistulang malamig na bagay na iinitan sa pag-asang mabigyan uli ng buhay. Naniniwala akong sa init ng aking katawan, magbabalik siya.
-
Umupo na ako matapos pagpagin yung upuan para maalis yung konting alikabok. Payapa ang parteng ito ng Burnham Park na halos walang taong dumaraan. Makulimlim na ang kalangitan. Nagbabanta ang pagkahulog ng mga tubig na lilinis sa mga dumi at magpapatino sa mga alikabok.
Maya-maya'y isa-isa nang nahulog ang patak ng ulan. Paunti-unti hanggang sa dumami. Ibinuhos na ng makulimlim na kalangitan ang luhang kanina pa ayaw ihulog.
Kanya-kanyang naghanap ang mga tao ng masisilungan.
Hindi ako umalis. Kaibigan ko ang ulan. Nakikita kong nakangiti ang bawat patak sa akin, nakikiramay. Ang pagkabasa ng damit ko ay ang pagyakap niya.
Naglalaro ang iba sa tubig ng Burnham, sa mga halaman roon, sinasabing magsaya ako. Tumawa. Anyayang makipaglaro sa kanila.
"Bakit kasi hindi mo agad sinabi? Bakit hindi agad naramdaman?"
Para sa akin, katabi ko lang si Paolo. Kayakap.
"Oo, mahal kita. At alam kong tama iyon. Na nagmamahalan tayo."
Kumuha ako ng bulaklak sa tabi at itinapon iyon sa tubig.
"Paalam," kasabay ng pagtingin ko sa langit. At matapos ay ang pagpikit.Pag nagtagal, magiging asul rin ang kalangitan. Maghintay ka. Susunod ako. Alam ko, diyan, kung saan lahat pantay-pantay, tanggap tayo. Walang diskriminasyon. Paraiso ang bughaw na kalangitan.
©reexs
Salamat Jo (Oo Na Part 2)
John T. Evangelista, Jr.
12 June 2008
creexs@yahoo.com


