
“Nasanay kayo na kayo ang tumatawa sa amin. Sana kami naman.”
Present
Wet Section, Baguio Public Market
Kaiba sa mga nakagisnang tanawin ng Baguio, masasabi pa ring walang pinagkaiba ang palengke nito. Oo nga, mahirap maglakad sa maalong straktura ng palengkeng ito ngunit pareho lang na magulo kung ikukumpara sa kapatagan. Paroo’t parito ang mga tao. Maingay. Naghahalo, mula sa mga tinderang nagtatawag ng mga kukunsumo ng mga nakabalandrang mga tinda, sa mga taong nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay na hindi naman pagkakaintiresan ng mga ibang taong nakakarinig, at sa mga drayber ng sasakyan na kasing-init ng sikat ng araw ang ulo.
Ang mga tao, nagkakandarapa. Nagmamadali para matapos na ang pakikipagsiksikan sa iba’t-ibang katawan. Sa sari-saring kulay. Sa kanya-kanyang amoy. Kung titignan nga mula sa itaas, parang mga bulate sa bulok na gulay. May mga kulay nga lang dahil sa mga damit nila. Nasa tila isang baso ng halu-halo and mga taong ito. Nasa mga makukulay na sangkap ng halu-halong ito ang isang matabang ale. May kakalkalin sa bayong na pamalengke. Kakalkalin nito ang bayong na parang may nawawala. Wala nga siyang mahahanap at titignan ang isang lalaking mabilis na naglalakad palayo sa kanya. Hahabulin nito ang lalaki.
“Tulong! Tulong! Harangin niyo, mandurukot iyan. Harangin niyo!” sunod-sunod na batingaw ng bunganga ng aleng tila sariling buhay ang inagaw ng isnatser sa kanya.
Tatakbo na ngayon ang kanina’y naglalakad lamang na lalaki.
Samantala, habang hinahabol ng ale ang lalaki ay mababangga nito si Jake na malalim ang iniisip sa mga panahong iyon at tila walang pakialam sa mga nangyayari. Lilingunin ni Jake ang ale dahil sa banggaang ito ngunit tila hanging dumaan ang matandang ale, ni hindi man lang tumagal ang tingin niya rito. Kung gaano kabilis niyang nilingon ang ale ay ganoon rin kabilis niya binawi ang lingon na ito.
Tutuloy si Jake sa paglalakad. Maririnig sa mga malalakaran niya ang mga tinderang nanghihikayat sa mga dumadaan ng kanilang mga panindang gulay, ni wala man lamang pakialam sa nadukutang ale. Ganoon siya – maglalakad nang walang pakialam sa mga nadadaanan.
Hanggang makabangga siya ng isang batang sampung taong gulang (si Jay-Ar). Payat at madungis ang bata, pero ang kaibhan niya sa ibang mga bata ay ang santan na nakasabit sa tenga nito. Dahil nga sa payat ang bata, mapapaupo ito sa tuyo ngunit maalikabok na sahig ng palengkeng iyon. Kakalat ang laman ng plastik ng pinamili niya. Tutulungan niya ang bata ngunit ang bata na mismo ang tumulong sa sarili niya. Pagkatayo, makikita ang mabait at maayos pa rin na mukha ng bata, walang mababakas na galit mula dito.
“Sa susunod, pansinin niyo naman ako. Nandito lang ako,” malungkot na sabi ng bata habang tinitignan si Jake.
>>>
Jake’s Boarding House
Cabinet Hill, Baguio CityNakatitig si Jake sa kanyang cellphone na nakapatong sa mesang hindi man lang mapagsulatan dahil sa mga nakakalat na gamit na nandoon – notebooks, mga librong pang-akademya at hindi, isang paubos nang pad ng yellow paper, isang itim na bolpen, isang tasa ng kape na kalahati na ang laman at isang kaha ng sigarilyo na katabi ang lighter. Tititigan pa rin niya ang kanyang cellphone na parang may hinihintay. Maiinip. Dadagdag pa ang lamig ng Baguio sa pagka-inip niya.
Masarap matulog. Masarap balutin ang sarili sa kumot at magpailanlang sa panandaliang panaginip.
Itataktak ang mga daliri sa ibabaw ng mesa. Mangingibabaw ang tunog ng pagtaktak nito. Parang sa orasan na tumataktak sa bawat segundo. Sa una, mabagal ngunit pabibilisin iyon ng pag-aasam ng mensaheng inaabangan. Tutunog bigla ang cellphone at agad niya itong aabutin. Makikita sa screen ng cellphone ang text na:
“Jake, kay Rey pala yung piniling script.”
Mayayamot si Jake at susuntukin ang pader.
>>>
Session Road, Baguio City
Sa paglalakad nahihilig si Jake. Sa paglalakad kasi, nagiging malikhain ang pag-iisip niya. Sa paglalakad, napapanatag ang sarili niya.
Sa liit rin kasi ng Baguio, parang hindi nakakapagod ang paroot parito. Idagdag pa ang lamig na ni pawis ay hindi makakalabas sa katawan.
Gaya ng dati, wala na naman siya sa sarili pero mababakas na ngayon sa mukha niya ang pinaghalong galit at inis. Diretso niyang lalakarin ang daan papuntang teatrong pagtatanghalan ng kanilang organisasyon. May mga di-kakilalang makakasalubong. May mga dumadaang sasakyan. May mga nag-uusap sa mga bukana ng establishimentong madadaanan.
Saan nga ba ako pupunta? Tinatahak ko ang daan pero hindi ko alam kung saan talaga ako papunta. May goal nga akong matatawag pero wala ni anong kasiguruhan kung makakarating ako. Di sigurado . . . wala. Kalaban ko ang sarili ko sa daan na ito. Ang sarili ko na kinampihan ang iba’t-ibang sitwasyon at mga punyetang mga taong nagpapalambot ng tuhod ko.
Maaanod ng ingay ng kapaligiran ang pag-iisip na iyon. Mauungusan ng harurot ng sasakyan ang bagal ng mga imahe. Tatawanan ng mga nagkakasayahang dumaraan ang laman ng ideolohiyang iyon. Tatahulan ng mga aso ang ingay na iyon mula sa walang kahihinatnang paglulunoy. Matatabunan ng maitim na usok mula sa sasakyan ang tagpo na iyon sa kanyang isipan.
Ulan ng Sariling Ulap (Play)
Auditorium, Saint Louis University
May umaarte sa stage.
Nasa huling parte na ng palabas. Uuwi si Aling Bebeng mula sa pamamalengke. Makikita siya ni Aling Dina at lalapitan siya at kakausapin na parang magsusumbong.
“Mare, dinakip pala ng mga pulis si pare kanina. Pumapalag pa nga, e. Ano bang ginawa ni pare, bakit ganun?”
Katahimikan ang tugon ni Aling Bebeng. Katahimikang nagpalala ng panghihinala ni Aling Dina.
Sa pagbabalitang ito ni Aling Dina, makikita na ngayon ang takot at kaba sa mukha ni Aling Bebeng. Hindi man sasagot si Aling Bebeng, itutuloy parin ni Aling Dina ang pagsasalita.
“Alam mo mare, kinakabhan ako. Diba miyembro ng union ang asawa mo? Baka . . . alam mo na . . .”
“Ano ka ba Dina, masamang gising ko ngayon. Wag kang nagloloko ng ganyan.”
“Mare, totoo sinasabi ko. Ang dami ngang tao kanina. Ang dami ng nakakita, noh. Tanungin mo pa sina Pareng Berto diyan,” ang huling tinuran ng matabil na kabitbahay ay sinabayan ng pagwasiwas ng kamay sa direksiyon ng pamamahay ni Mang Berto.
Mas makikita na ngayon na kinakabhan si Aling Bebeng.
Dagli siyang papasok sa gawa-gawang set na bahay at hahanapin nito si Mang Gardo. Nasa likod pa rin niya si Aling Dina, sumusunod sa kanya.
“Gardo! Gardo! Nasa’n ka? Gardo.” Malakas na sigaw iyon. Nadarama ang himagsik ng pagmamahal na nahaluan ng pangamba.
“Mare, hindi ka ba naniniwala sa akin? Dinakip nga si pare kanina.”
Hindi papansinin ni Aling Bebeng si Aling Dina, patuloy parin ito sa paghahanap sa asawa. Ngayon, sa kwartong parte ng bahay na siya maghahanap habang:
“Gardo! Nasa’n ka na ba? Gardo!”
Sa mga nanonood naman siya tutungo ngayon. Tatawag mula sa direksiyon nila.
“Gardo! Nandiyan ka ba?”
Kuntento na siya ngayon. Alam niyang wala na siyang magagawa. Sa gitna naman ng stage siya papunta. Pagkarating sa gitna ng stage, manghihina siya hanggang sa mapaluhod. Hindi na siya sinundan ni Aling Dina. Nanatili na lang siya sa kinaroroonan habang pinapanood si Aling Bebeng na mapapaluhod nga sa gitna ng stage. Mananatili siya sa ganung sitwasyon – nakaluhod. Ngayon ay maiiyak na siya habang binibitawan ang linyang:
“Ano ka ba? Sabi ko na ngang huwag kang sumama sa unyon na yan. Ano ka ba? Bakit? Bakit ang tigas ng ulo mo?”
Titingin siya sa langit o sa dingding ng bulwagang iyon.
“Bakit nangyayari ito? Bakit?”
Aalisin na ang kamay sa mukha at titingin sa mga manonood. Titingin ng ilang segundo pagkatapos ay duduruin ang mga nasa harapang manonood.
“Mga gago kayo! Mga gago. Bakit niyo gaganituhin kaming mga taong ipinaglalaban lang ang karapatan namin? Mga walanghiya! Mga hayop ang hindi marunong makinig. Mga hayop kayong umaabuso. Mga hayop kayo!”
Didilim at pagkaraan ay sasabog ang ingay ng palakpakan. Bubukas ang ilaw at ipapakilala ang mga casts at mga staff na tumulong sa palabas na iyon.
Makikita naman na nakasilip mula sa backstage si Jake habang nagsasalita ang announcer.
>>>
Titigil na sa paninilip si Jake at lalapit kay Kennedy na nag-aayos ng mga props at costumes na nagamit sa pagtatanghal na iyon.
“Ang pangit. Nakakasawa. Ano ba naman ‘yun? Hindi dapat pinapalakpakan,” pamumuna ni Jake.
“Hoy! Inggit ka lang, tey. Hindi na naman kasi nagustuhan yung kwento mo para mai-show, noh.”
“Ang sabihin mo, walang taste yang mga namimili ng kwento.”
“Tumigil ka na diyan, marami pang days para makapagwrite ka ng new concepts.”
Tutulong si Jake sa ginagawa ni Kennedy. Aktong may maaalala si Kennedy.
“Oo nga pala, tey. Sumama ka mamaya, ha. May celebration the members of our organization tonight, kapag ala ka, madi-dead ka sa mga kakalat na tsismis,” sabi sa kaibigan habang ginagalaw-galaw ang buhok.
Mapapatingin si Jake sa nasabing iyon ni Kennedy.
“Anong tsismis na naman yang kakalat kapag hindi ako pupunta? Sige nga. Wala namang masama ‘pag di ako pumunta noh.”
“Ikaw ang bahala.”
“Talagang bahala ako.”
“Bahala ka kung gusto mong mapagtsismisan ka na imbyerna ka sa napiling writer ng show . . . Na this is because hindi nagustuhan yang concept mo,” halos nang-aasar na paliwanag ni Kennedy. Nakapameywang siya habang binibitawan ang mga katagan g iyon.
“Ok na. Pupunta talaga ako noh, magcecelebrate rin ako. Gago siya, akala niya siya lang ang may karapatang magsaya.”
>>>
Rey’s Apartment
Aurora Hill, Baguio City
Kasayahan.
May mga taong magdaratingan sa bahay na ito. Kasabay ng pagpasok ng mga bisita ay ang mga papuri sa may-ari ng bahay - si Rey.
Sa kasalukuyan, mahihinuhang umabot na sa limampu ang mga naroon. Medyo may kaluwangan ang salang iyon ng bahay kaya makikitang hindi masyadong magsisiksikan ang mga bisita. Kung lilibutin ng tingin ang bahaging iyon ng bahay, makikita ang iba’t-ibang personalidad na naroon. Mga kakilala, mga kasama sa organisasyon, at mga bisita ng mga bisita. Nahahati ang mga bisita sa mga grupo, meron ring mga nagpapares kagaya nina Kennedy at Jake. Ang mga beer naman, makikitang hawak nila o nakapatong sa mesa, katabi ang mga platitong lalagyan ng mga pulutang tsitsirya, mani, at tsitsaron. Mahinang musikang up-beat naman ang kasabay sa ingay ng mga tawanan at pag-uusap na nangyayari mula sa mga bisita. Malamlam ang ilaw na nagdudulot ng mala-bar na ambience ng sala. Sa isang sulok na malapit sa bintana nag-uusap sina Kennedy at Jake.
Tatayo bigla si Kennedy at aaktong parang magpapaalam.
“Tey, CR muna ako,” paalam nito habang inaayos ang bandang ibaba ng buhok.
“Lasing ka na noh?”
Hahampasin ni Kennedy si Jake sa balikat. Mas masasabi pang pagtulak iyon kaysa paghampas.
“Hindi noh. Ako pa,” bangs naman niya ngayon ang inaayos.
“Gaga.”
“Uy, I really need to pee,” nakatayo na siya ngayon.
“Sige na, go.”
Pagkatapos ay tutungo si Kennedy, gaya ng paalam niya, sa banyo. Nangingiting pinagmamasdan ni Jake ang kaibigan. Matagal na niyang napapansin ang palaging pagaayos nito sa buhok niyang hindi ganoon kahaba.
Maiiwang mag-isa si Jake pero hindi iyon magtatagal dahil lalapitan siya ni Rey. Uupo si Rey sa tabi niya.
“Pwedeng paupo . . .” magalang na paalam iyon ni Rey.
"Sige lang, sayo kaya ‘tong bahay.”
“Mag-isa ka ata ngayon?”
“Umihi lang sandali si Kennedy . . . babalik rin siya.”
Tatahimik ng kaunti. Lilingunin ni Jake ang parte ng bahay na iyon na patungong banyo. Sa mga ganitong pagkakataon, nakakainip ang mag-isa – nakakainis. Sa mga ganitong sitwasyon rin, hindi maiiwasang magka-ilangan. Si Jake na mismo ang mag-aalis nun.
“Ang ganda pala nung kanina,” hindi maitago ni Jake ang tono ng pagkainis.
“Thanks. Hindi ka ba naiinis?”
“Bakit naman ako maiinis?” pero sa isip niya, nabubuwisit siya dahil nahuli ang totoong damdamin niya.
Lalagok ng beer si Rey.
“Kasi, yung sa’kin yung pinili.”
“Sus, tang-ina, wala yun. Pagalingan tapos pagandahan lang yan ng konsepto. Lagi lang nagkakataong mas maganda yang sayo . . . na magaling ka. Sa susunod, ako naman,” malaman ang nabitawang salita ni Jake. Nabitawan niya ang kataga habang tinataktak nito ang hita.
“Masyado mo naman dinidegrade yang sarili mo.”
Tatahimik. Walang mamamagitang pag-uusap sa ilang mga sandali. Lilingunin ulit ni Jake ang parte ng banyong pinasukan ni Kennedy. Sa isip ni Jake, minumura nito ang nagpaalam na kaibigan. Bakit ang tagal niya sa banyo.
Lalagok uli ng beer si Rey. Pagkatapos ay kukuha ng mani mula sa platitong nasa mesa. Ngangatain ang makukuhang mani mula sa platito.
Haharap si Jake kay Rey.
“Tang-ina, bakit ganun?” Hindi napigilan ni Jake ang paglabas ng emosyon.
“Anong bakit ganun?”
Tatawa si Jake.
“Wala. Wala yun,” pagbabanggain naman niya ngayon ang mga daliri sa kamay. Hindi niya alam pero naiinip siya sa mga ganitong pagkakataon. Hindi niya alam kung ano ang magiging emosyon sa tuwing mag-uusap o kahit na magkita lang sila ni Rey.
“May sasabihin ka, e. Ano yun?”
“Hindi, wala talaga yun.”
“Okay, ikaw’ng bahala.”
Kukuha ng ilang tsitsaron si Rey. Kakainin niya ito. Kahit maingay ang paligid ay parang maririnig ang pagkagat niya rito. Hindi niya alam kung bakit maingay ang pagkagat na iyon sa tsitsaron. Maaring maingay lang talaga o talagang kay Rey nakatutok ang pansin ni Jake. Matapos makain ang tsitsaron ay hinawakan ni Rey ang braso ni Jake.
“Maingay dito . . . halika.”
Hihilahin niya si Jake na sasamang walang pagtutol ngunit mahahalatang magtataka ito. Tutungo sila sa isang kwarto.
>>>
Nakabukas ang ilaw nang pumasok sina Rey at Jake sa kwarto. Isasara ni Rey ang pintuan at kasabay ng pagsarang iyon ay ang paghina ng ingay mula sa kasiyahang nangyayari sa sala.
Ngayon mapapansin nang kinakabhan si Jake. Papakiramdaman niya ang mga gagawin ni Rey.
Papaupuin siya sa kaliwang gilid ng kama. Nakaharap sa bintanang ang makikita lang ay kadiliman. Pagkatapos ay binuksan ni Rey and lampshade at pinatay ang ilaw sa kisame. Saka ito umupo sa kanang gilid ng kama, eksaktong magkatapat sila para masabing magkatalikuran sila. Nanatili sila sa ganung posisyon.
Si Jake, nakatitig sa bintanang kadiliman ang ipinapakita. Si Rey, sa isang painting na nakasabit sa dingding. Sa itsura niya sa pagtitig sa painting na ito, para siyang isang kritikong pati mga detalye ng linya ay binibigyan ng pansin. Makulay ang painting na iyon, makulay.
Iba ang nakikita ni Jake. Kadiliman. Pero mas makahulugan ang nakikita ni Jake sa kadilimang iyon kesa sa painting na nakikita ni Rey. Hindi man makita ni Jake ang mga detalye, nararamdaman niya naman ang mga ito. Nararamdaman niya ang mga mumunting ilaw na nagmistulang mga bituin sa lupa. Mga ilaw na simbolo ng buhay sa kadiliman at kalamigan ng Baguio. Pareho nilang inaaninag ang bawat detalye. Binibigyan ng kahulugan.
“Punyeta, bakit ganun?” pagpatay ni Jake iyon sa katahimikan.
Maghihintay siya ng sagot. Aasa pero wala siyang mapapala sa paghihintay na iyon. Itutuloy niya ang ninanais na ilabas ng dibdib, mga hinanakit. Iisipin na lang niyang nakikipag-usap siya sa sarili.
“Unfair. Unfair. Putang-ina. Palaging unfair. Lagi na lang ikaw. Walang bago. Nakakasawa.”
Sa bintana pa rin nakaharap si Jake.
“Lagi na lang pagtuligsa sa gobyerno ang mga nangyayari sa mga kwento mo. Tang-ina walang bago. Puro ganun. Nakakasawa. Pero... pero bakit yun parin palagi yung napipili? Bakit yun palagi?”
“Kung ipipilit mo yang mga kwento mo tungkol sa kabaklaan, walang mangyayari,” parang boses sa kawalan ang tinig na iyon ni Rey. Malalim, may natatagong kahulugan. Sa pananalitang iyon ni Rey, mapapansin niyang malaki na ang ipinagbago ng kaibigan. Palaging siguro ang mga kataga nito. Kung maririnig ay parang siya ang tama.
“Tang-ina, meron,” sa pagsagot na iyon ni Jake, madarama ang kasiguraduhan. “Bakit? Anong masama sa kabaklaan? Puta, palibhasa hindi ka katulad namin. Hindi mo nararamdaman itong nararamdaman namin.”
Samantala, sumasayaw na sa sala si Kennedy. Pagkatapos ay ang paglapit ng isang lalaking bisita rin sa kasiyahang ito at nakipagsayawan sa kanya. Gagalawin muli ni Kennedy ang buhok sa bandang batok nito. Magiging agaw-pansin ang pangyayaring iyon. Magiging sentrong panoorin ang sayaw na iyon. Lahat ng mga bisita, isisentro ang paningin sa malikot na sayaw na iyon. Ibabangga-bangga ni Kennedy ang pwet nito sa harapan ng lalaki samantalang hahawakan naman ng lalaki ang dibdib ni Kennedy. Sa mukha nila’y para silang nagtatalik, ang kaibhan lamang, may suot silang mga damit. Mainit. Makasalanan ang tagpong iyon. Ganun sila. Parang mga ahas na nagkukumpulan sa isa’t-isa. Nakapulupol sa isa’t-isa habang sumasayaw sa saliw ng isang malamyos na tugtugin.
Iba’t-ibang tao, iba’t-ibang pananaw ang nakikiliti. Iba’t-ibang opinyon ang namumuo sa kaisipan ng bawat indibidwal na naroon. Ang mga reaksiyon ay matutumbasan ng mga ekspresyon.
“Walang masama sa kabaklaan. Sayo... sa Kanya... pero sa mga tao, meron,” pagtatanggol ni Rey sa posisyon niya. Gaya ng dati, kalmado pa rin siya. Nagpapahiwatig pa rin ang pananalita niya na siya ang tama.
“Naniniwala ako dun. Para sa kanila, para sa inyo, tang-ina, imoral ang kabaklaan.”
“Mananaginip kayo ng maganda pero gigising mula sa isang bangungot.”
Mapapaisip si Jake sa nasambit ng dating kaibigan. Ibang-iba na ang kaibigan. Malaman. Malaman ang mga dinadaing ng utak.
“Tang-ina, anong ibig mong sabihin?”
“Nagmamadali kayong matanggap ng lipunang iniiwasan kayong tanggapin samantalang pwede naman ninyong dahandahanin. Naiinip kayo, yun ang sisira sa inyo.”
Maliwanag ang mukha ni Rey dahil sa epekto ng lampshade na nasa tabi niya samantalang nakatago sa dilim si Jake.
“Tang-ina, bakit mo sinasabi sa akin ito?”
“Kasi, kailangan mong malaman,” marahang ani Rey para ‘di makasakit ng damdamin sa isang kaibigan.
“Kasi, nagmamagaling ka.”
“Basta.”
“Puta, ayaw mong aminin. O, sige, ulitin mo ulit, tang-ina, irerecord ko dito sa phone ko. Sige, punyeta, sabihin mo na. Hayaan mo, ipaparinig ko ulit sa’yo kapag tama ka.”
“Maghintay ka lang.”
Tatayo si Jake at lalapit sa may bintana. Sandali siyang mananatili doon. Pagkatapos ay lalakad patungo kay Rey. Lulugar sa harap niya. Mas maliwanag na ngayon ang mukha ni Jake dahil nga sa ilaw na dulot ng lampshade sa mukha niya.
“Tang-ina, maghintay?”
Kasama ng salitang iyon na binitawan ni Jake ang di mapigil na galit. Ang di mapahinang hangos. Ang di matularang tigas ng loob.
“Tang-ina, paano kami kung hindi namin uumpisahan, kung hindi namin papaspasan? Hinuhusgahan mo kami. Pano mo nasabi yon? Parang sinasabi mong mabibigo kami. Puta, parang sinasabi mong wala na kaming pag-asa?”
“Tignan mo, sa kasalukuyan, ikaw ang nasa stage at sila ang mga manonood sa mga pag-arteng gagawin mo. Nakasalalay sa pag-arte mo kung magugustuhan ka o hindi ng mga ito. Dahil sa kailangan mo ng pagkilala mula sa kanila, kailangan mo munang bigyan ng katugunan yung mga gusto nila. Kung anong gusto nila, iyon dapat yung ipakita mo. Kung hindi, lalangawin yang palabas mo.
Tatawa ng malakas ngunit nang-iinis si Jake.
“Katawa-tawa? Tang-ina, pagod na akong tinatawanan lang kami. Ako. Puta, pagod na akong gawing kapintasan ang pagkabakla. Kinukutya. Kung maghihintay, tang-ina, kailan pa?”
“Sa teatro, ikaw ang artista, nasa panig nila ang direktor. Nasa kamay nila kung anong ipapalabas – kung anong dapat maging kwento ng bawat kwento.”
“Para kaming sinasakal. Tang-ina, sinasakal niyo kami.”
Lalabas na si Jake sa kwartong iyon. Nabuksan na ang pinto, mauulanan na ang mukha ni Jake ng liwanag mula sa labas. Kasabay na rin ng pagbukas na iyon ang ingay na manggagaling sa labas.
“Bespren . . . Sorry.”
Si Rey iyon. Makatutuhanan ang paghingi ng tawad na iyon.
Matitigilan sa paggalaw si Jake matapos niyang marinig ang katagang binitawan ni Rey. Mananatili sa ganoong estado si Jake. Parang batong pinaliliguan ng liwanag mula sa labas.
<<<
2004
Mangatarem National High School
Mangatarem, Pangasinan
Wala pang klase noon, medyo napaaga ang dating nina Rey at Jake. Third year high school sila nang mga panahong iyon.
Papasok sila sa isang klasrum. Nakauniporme. Parehong nakapolong puti, parehong nakanavy-blue na pantalon. Ang tanging pinagkaiba sa suot nilang dalawa ay ang mga suot na sapatos. Kay Rey, puting rubber shoes samantalang kay Jake, black leather shoes.
Darating sila sa silid-aralan na iyon na nag-uusap. Uupo sila sa bandang likod ng klasrum at makikitang wala pa silang masyadong kaklase na nandoon.
“Oo, Kagabi yun, eh. Alam mo, gaga talaga si Mama, umiiyak na naman siya nung dumating si Papa. Hindi pa raw ba siya nadadala sa mga napapatay at nawawalang mga kasama niya sa unyon?”
Magdodrowing sa sulatang parte ng upuan si Rey.
“Kung ikaw ang tatay mo, gagawin mo ba yung mga ginagawa niya ngayon?” tanong ni Rey habang tutok sa paglilimbag ng imahe sa upuan.
“Ayoko noh. Parang mahirap yung mga ganung sitwasyon,” tugon ni Jake kasabay ang pagtingin nito sa dinodrowing ng kaibigan. “Ikaw ba? Ano sa tingin mo?”
“Hindi ko alam. Parang mahirap pero, sa tingin ko, may sense naman yung ginagawa nila. Ang problema lang sa marami, hindi nila naiisip yung mga maiiwan nila kapag nagkataon. Lumalaban sila sa karapatan sa pamamagitan ng pagtataya ng buhay nila,” tugon ni Rey.
Papansinin ni Jake ang pagdodrowing ni Rey.
“Uy, ano iyan? Gago ka, nagvavandal ka na naman diyan. Ano na namang idodrowing mo? Dragon Ball? Baka idrowing mo si Ma’am, ha?”
“Hindi, hintayin mo lang. Matatapos na rin ito.”
Unti-unting matatapos ni Rey ang drowing. Dalawang lalakeng nakauniporme na nakaakbay sa isa’t-isa ang naidrowing ni Rey.
“Eto, tayong dalawa,” nakangiting sambit ni Rey.
Isang kaklase ang magsasabing parating na ang titser sa umagang iyon. Titigil ang mga estudyante sa pakikipag-usap at magsisimula nang magsiupo sa kanya-kanyang upuan. Tahimik na sa loob ng silid-aralan. Papasok ang titser, ipapatong ang mga bag na dala, at magchi-check ng attendence.
Bestfriend kami ni Rey mula pa nung pagkabata. Paano ba namang hindi, magkalapit lang kasi ang bahay namin. Sa pagpasok, palagi kaming nagsasabay.
Susulyap si Jake kay Rey.
Turingan na namin . . . parang brothers and sisters.
Pagkatapos ay isang ngiti ang gagawin ni Jake.
>>>
Wala nang makikitang mga estudyante sa classroom na ito maliban kina Rey at Jake dahil nagsiuwian na silang lahat. May inaayos na project si Rey at nagpasama ito kay Jake dahil nga magkalapit lang ang bahay ng dalawa.
“Si Harold pa rin ba’ng crush mo?”
“Pwede,” nakangiting sagot ni Jake.
“Ang tagal na nun ah. Buhay pa ba yun? Hindi ko na nga nakikita yun. Magpalit ka na.”
“May bago na, noh. Mas gwapo yung ngayon.”
“Talaga lang, a. Sino naman yan?”
Pagkatapos ng tanong na ito ni Rey ay ang biglaang paghalik ni Jake kay Rey sa labi. Tamang magkadikit lang yung labi nilang dalawa. Itinulak ni Rey si Jake bilang ganti sa ginawa nito.
“Ano yun? Gago ka.”
Pupunasan niya ang sariling labi.
“Ikaw. Gusto na kita.”
“Ulol. Gaguhin mo mukha mo. Pati pala ako, papatulan mo.”
“Gusto lang naman, e.”
“Ulol.”
Lalabas si Rey sa classroom na iyon, maibabalibag nito ang pintuan. Maiiwang mag-isa si Jake. Magsisisi. Mapapahiya sa sarili.
>>>
May kakatok, maiistorbo si Rey na nakahiga sa kama at nagbabasa ng panglalaking magasin. Ipapatong sa katabing mesa ang magasin at tutungo sa pintuan upang buksan ang pinto.
“Sino yan?”
Hindi pa makakalapit si Rey ay bubukas na ang pintuan at iluluwa nito si Jake na nakatingin sa sahig – di makatingin nang diretso kay Rey.
“Ako ‘to.”
“Ba’t nandito ka?”
“Sorry na.”
Hindi sasagot si Rey. Babalik sa kama at itutuloy ang naudlot na ginagawa.
“Rey, sorry talaga.”
“Okey na yun,” sa magasin pa rin nakatutok ang mga mata ni Rey.
“Talaga?” parang nagulat na reaksiyon ni Jake.
Titigil sa ginagawa si Rey at titignan si Jake. Kakaiba ang tingin na iyon na nagmumula na ngayon sa kanya. Nang-aakit. Tatayo siya sa kama. Kasabay nun ay ang pagtingala ni Jake sa kanya. Una ay huhubarin niya ang suot na t-shirt. Ang kaninang nang-aakit na tingin ni Rey ay napalitan ng matalim na titig. Nakakababa ng loob.
Ngayon, ibababa na nito ang suot na boxer shorts hanggang sa wala nang matira sa kanya. Hubad siysng nakaharap kay Jake.
“Heto.”
Ibabalandra ni Rey ang sarili. Hindi gagalaw si Jake.
“Ano? Wala ka bang gagawin diyan? Paligayahin mo ako.”
Ilang sandali ring napanatili ng pagkabigla si Jake. Sa ilang sandali, aakyat siya sa kama at lalapitan si Rey. Mata sa mata. Pagkatapos ay dadakmain ang ari ni Rey habang nakikipagtagisan parin siya ng titig kay Rey.
“Ito na pala yun.”
Bibitawan ang ari ni Rey at bababa ng kama. Nakatalikod na siya kay Rey.
“Ito na pala yun. Ang baba ng tingin mo sa akin. Anong akala mo? Hindi ito basta libog lang.”
Haharap siya kay Rey.
“Rey, mahal kita. Sawa na ako sa pagiging magbestfriend lang natin. Sawa na ako. Palagi na lang ganun. Ayoko nang maghintay. Gusto ko nang mas malalim pa dun.”
Hindi pa rin gumagalaw si Rey.
“Pero ayun. Hetong napala ko. Nabastos. Ikaw pa. Ikaw pang nambastos sakin.”
Tutunguhin ang pinto, bubuksan. Ngunit magsasalita si Rey.
“Gago ka! Ikaw pa’ng nabastos, di’ba gusto mo ng ganito?”
“Hayaan mo, huli na ‘to. Kilala na kita.”
Lalabas na si Jake at may kalakasan niyang isasara ang pintuan. Maiiwang nakatayo pa rin si Rey. Mapapaupo at magsisisi sa mga nagawa.
>>>
Sasalpak ang katawan ni Jake sa sariling kama habang unti-unting mahuhulog ang mga luha mula sa mga mata. Hahagulgol. Magmumura. Susuntukin ang pader.
Hindi na kami nag-usap ni Rey pagkatapos nun. Ang tanga ko. Kasalanan ko ang nangyari. Sinayang ko yung ilang taong tagal ng pagkakaibigan namin.
>>>
Present
Rey’s Apartment
Aurora Hill, Baguio City
Nasa ganoong estado si Jake. Parang batong pinaliliguan ng liwanag mula sa labas. Lalabas na sana siya ng kwartong iyon kaya lang:
“Jake, sorry.”
Matitigilan si Jake.
“Para san? Tang-ina, sa dami na kasi ng nagawa mo sa akin, hindi ko na alam kung saan ka talaga humihingi ng sorry.”
“Sa lahat. Sorry sa lahat. Alam mo ba, pinagsi . . .”
“Ang galing mo talaga bespren. Tang-ina, ganun na lang pala yun.” Madiin ang pagbanggit na iyon ni Jake sa salitang bespren. Mararamdaman ang diin ng pagkagalit – ang diin ng pagkainis.
Haharap kay Rey at isasarang muli ang pintuan na magpapatahimik sa ingay mula sa labas.
“Tang-ina, ang galing mo naman para maabswelto lahat nung mga kasalanan mo. Magsasabi ka lang ng sorry, tang-ina, okay na?”
“Seryoso, pinagsisihan ko na yun. Alam ko mali ako sa ginawa ko sayo. Ano bang gusto mong gawin ko para . . .”
“Buti, nasabi mo yan. Maghubad ka uli diyan. Puta, kagaya nung ginawa mo dati. Hayaan mo, hindi ka na mabibitin kasi papaligayahin talaga kita hanggang makapagparaos ka. Hindi mo lang alam kung ano’ng nagagawa ng bunganga ko. Papayagan rin kitang tirahin ako, tang-ina, sayang din naman yung mga pinagsamahan natin, ‘di ba?”
Mapapatingin sa sahig sa Rey.
“Jake, sorry na.”
“Puta, pagkatapos mangyari yun, nawala lahat. Pati pagrespeto ko sayo. Papatulan kita kung gusto mo. Tang-ina, wala kang pinagkaiba sa mga macho-dancer o kahit na sino diyan na kinakalantaryo ni Kennedy.”
“Jake . . .”
“May mangyayari nga satin pero walang lalim. Walang kahulugan – libog,tang-ina, yun lang. ‘Di ba ganun naman yung tingin mo sa akin?”
>>>
Jake’s Boarding House
Cabinet Hill, Baguio City
Nagsusulat sa study table si Jake.
Isang kwento.
Mag-iisip. Mapapatingin sa pader sa kanan niya. Pagkatapos ay sa kisame. Pagkatapos ay mapapatulala sa panoorin sa labas ng bintana.
May maiisip. Isusulat ang naisip bago pa man ito mawala kapag napabayaan. Idudugtong niya ang naisip sa pinakahuling isinulat sa paubos nang pad ng yellow paper. Maraming mga erasures ang yellow paper na ito. Ang mga erasures na ito ay magiging animong mga nunal na dumudumi sa papel na ito.
Gago ka. Gago kang hindi nakakaintingdi sa amin.
Bakla ang lahat ng tao. Bakla.
Bakit ganun, kami na lang palagi ang dapat umiintindi?
+++
Meyk-Up
(Kwento ni Jake)
Darating ang isang pulis na hinihila ang magpupumiglas na si Jose. Kakaladkarin ito ng pulis kahit na nagpupumilit na pakinggan ang boses. Naka sleeveless si Jose ng kulay pink, naka palda ng above the knee na puti, at nakatsinelas ito na may mga dekorasyong mga beads. Nagmamakaawa ito na paniwalaan siya.
“Sir, hindi ko ninakaw yung make-up na yun. Hindi po talaga. Inilagay lang yun nung saleslady dun sa bag ko. Wala akong kasalanan, wag niyo akong ikukulong.”
Malapit na sila sa isang mesang may pulis na tumitipa sa typewriter. Aalisin nito ang papel na tinitipa at papalitan ng isang malinis na papel matapos makitang may bagong makakasuhan.
Nagmamakaawa parin si Jose. Itinulak siya paupo sa isang monobloc na upuan. Sa lakas ng pagtulak na iyon, babaliktad paharap ang upuan at mahuhulog at lalagapak ang pwetan ni Jose sa sahig. Tawanan ang dulot nito sa mga nandoon. May mga mas lumapit pa na akala’y isang palabas sa telebisyon. Sa pagkakaupong iyon sa sahig, makikita nang bahagya ang white brief na suot ni Jose, ang dalawang kamay, nasa likuran para maiwasan ang paghiga. Sa ganitong posisyon, marami ang tatawa.
“Ayan, nakita tuloy yang bayag mo. Akala ko ba panty ang suot mo?” pangugutya ng isang pulis.
Tatayo na si Jose sa pagkakaupong iyon. Dahandahan. Maingat. Uupo na siya sa monobloc nang mag-umpisang magtanong yung isang pulis.
“Pangalan.”
“Ang sakit kuya,” sagot iyon ni Jose habang hinihimas ang parteng naumpog sa pagkabagsak niya.
“Masakit? Anong masakit? Dapat manhid na yan, hindi mo ba yan palaging ginagamit?”
Tatawa yung mga taong nandoon, mas lalapit pa sila para mas marinig ang mga pag-uusapan pa. Parang sitcom ang mangyayari, sa totoong buhay nga lang, hindi scripted.
“Pangalan?”
“Josie.”
“Tang-ina, Josie ka dyan,” mura ng pulis habang iniaakma nito ang kamay niya para hampasin si Jose. “Yung totoo. Aanhin namin yan? Hindi mo kami customer.”
“Jose Ferrer.”
Titingin ang pulis sa iba pang kasamahang pulis.
“Gago pala ‘to eh. Lalaking-lalaki palang pangalan tas babakla-bakla lang. Kung ako ang tatay mo, pinatay na kita.”
“Pwes, di kita tatay.”
“Edad?”
“Twenty.”
Magugulat ang pulis.
“Twenty! Ako pang lokohin mo, gago ka. Mukha ka nang trenta.”
“Twenty lang talaga ako.”
“Kaso?”
“Hindi naman totoo. Wala akong kaso.”
“Kaso?” mas malakas na ang tanong na iyon. Waring sinisigawan ng pulis si Jose.
“Nagnakaw raw ako. Pero hindi totoo yun.”
“Anong ninakaw mo?”
“Hindi naman totoo yun a.”
“Basta sumagot ka na lang. Anong ninakaw mo?”
“Make-up.”
Tatawa ang pulis at mga kasamahan nito sa maririnig na sagot.
“Make-up? Magnanakaw ka na nga lang, make-up pa.”
+++
Nasa likod ng rehas si Jose, kulong ang bagsak.
Maliit ang seldang iyon. Walang kama. Sa sahig na mismo pinapatulog ang mga ikinukulong doon. Masikip rin ito. Tama lang ang limang tao na nakahiga nang magkakadikit para magkasya rito at masabing malasardinas ang sitwasyon ng mga preso dito kapag nagkataong marami silang mga nahuling kawatan.
Dalawa lang sila sa kulungang iyon. Gayunman, takot parin si Jose sa kasama dahil sa hindi nga niya alam kung sa anong krimen nasangkot ang taong ito.
Dahil nga sa takot na ito, kokontrolin ni Jose ang sarili para hindi uminit ang ulo ng kasamang preso.
May dadaan na dalawang pulis na nag-uusap. Babantain sana niyang mag-ingay ulit para mailabas siya sa kulang iyon ngunit napagtanto niyang wala rin lang mangyayari.
>>>
Present
Jake’s Boarding House
Cabinet Hill, Baguio City
Nakatulugan na ni Jake ang pagsusulat.
Nakahilig na ngayon ang ulo niya sa kanang kamay niya. Ang kanang kamay na ito ay may hawak na bolpen. Dahan-dahan niyang mabibitawan ang bolpen na ito hanggang sa gumulong ito sa mesang aralan niya at mahulog sa sahig. Mahuhulog nga ito pero hindi maririnig ang pagkahulog nito. Sa halip, isang patak ng ulan ang maririnig. Ang isang patak ng ulan, naging dalawa. Ang dalawa, dumami hanggang bumigat ang buhos ng ulan. Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagdilim ng kapaligiran. Walang makikita. Madilim.
>>>
2004
Reyes Residence (Jake’s House)
Mangatarem, Pangasinan
Pumapailanlang ang maingay na halik ng mga patak ng ulan sa bubungan ng bahay.
Umaalingasaw ang matapang na amoy ng paghahalo ng tubig sa tigang na lupa.
Kasabay ng ulan na ito’y ang usapan sa telepono ni Mang Jun, ang tatay ni Jake, at ng hindi kilalang tao. Mainit ang usapang iyon. Seryoso. Nakakatakot.
“Ano ito? Blackmail?” Sagot ni Mang Jun sa kausap sa telepono.
Makikinig siya sa sasabihin ng kabilang linya.
“Hindi ko iiwan ang mga kasamahan ko sa unyon. Hindi niyo ako mabibili,” sagot muli niya.
Makikinig sa isasagot ng kausap. Bahagyang titingin sa labas mula sa bintana. Pagkatapos ay sasagot muli.
“Tinatakot niyo ba ako?”
Lalapit si Aling Lisa, nanay ni Jake, sa asawa at papakinggan ang mga sagot ng asawa sa kausap.
“Hindi niyo ako matatakot. Gawin niyo kung anong gusto niyong gawin pero hindi niyo kami matatakot. Hindi nyo kami mapipigilan.”
Ibabagsak ni Mang Jun ang telepono.
“Jun, pumayag ka...” ani Aling Lisa.
“Pumunta kayong dalawa sa kwarto, bilis. I-lock niyo. Bilis. Huwag niyong bubuksan hanggat hindi ko sinasabi,” utos ni mang Jun.
“Bakit Jun? Anong mangyayari?” pagtataka ni Aling Lisa.
“Basta, dalhin mo na si Jake sa kwarto.”
Hindi gumalaw si Aling Lisa. Iba ang galaw ng asawa ngayon. Natatakot siya. Natatakot siya sa maaaring mangyari. Natatakot siya sa iniisip niya. Yayakapin niya ang asawa. Mahigpit ang yakapang iyon, parang walang bukas. Parang ibinubuhos na lahat ng yakap na mangyayari pa sa hinaharap. May maririnig na pagkatok.
“Pumunta na kayo sa kwarto, huwag kayong mag-iingay.”
Ang katok ay lalakas hanggang sa parang tinatadyakan na ang pintuan ng bahay. Hihilahin ni Jake si Aling Lisa at makakapasok sila sa kwarto.
Umupo sa isang sulok si Aling Lisa. Walang ilaw. Katamtaman lang ang ilaw na nagmumula sa labas para makita ang mukha niyang ginugupo ng lungkot. Tama lang para makita ang bawat luhang dumadaloy sa mukha niya. Si Jake naman ay parang nanginginig. Nakayakap ito sa ina, parang alam na rin niya kung ano ang mangyayari. Alam na niya kung bakit nangyayari.
Pakikinggan nila ang mangyayaring usapan sa labas:
“Sino kayo? Anong ginagawa niyo rito?”
Tatahimik ng kaunti.
“Ano yan? Papatayin niyo ako? Mapapatay niyo ako pero hindi niyo mapapatay ang unyon.”
Mula sa sala, titignan ni Mang Jun ang kwartong pinagtataguan ng mag-ina. Kung sakaling patayin siya ng mga ito, malamang ay isusunod rin ang kaniyang mag-ina.
“Ano? Akala niyo ba, mapipigilan niyo ako? Patayin niyo na ako kung papatayin niyo ako. O baka naman gusto niyo pang maabutan pa kayo ng ipapadalang mga pulis na tinawagan ko kanina? Mga walang kwentang . . .”
Putok ng baril ang nagtapos ng linyang iyon. Kasabay ng pagputok ng baril ang pagkagulat ng mag-ina sa kwarto. Pagkatapos ng pagkagulat na iyon ay ang pagpipilit na kontrolin ang emosyong nais ilabas sa oras na iyon. Susuntukin ni Jake ang sahig. Yayakapin naman ni Aling Lisa ang anak. Maririnig nila ang pagragasa ng motor na unti-unting mawawala ang ingay. Sa pagkawala ng ingay na iyon ay ang pagyayakap ng mag-ina. Isang pasasalamat na ligtas sila. Pasasalamat sa amang nagligtas sa kanila. Sa sitwasyong iyon mararamdamang silang dalawa na lang ang maiiwan. Silang dalawa na lang ang magsasama. Silang dalawa na lang ang haharap sa buhay. Silang dalawa.
>>>
Present
Jake’s boarding House
Cabinet Hill, Baguio City
Maririnig ang cellphone ni Jake na nasa ulunan niya na nag-riring. Maalimpungatan si Jake. Kakapa-kapain ng kamay ni Jake ang pagkuha sa cellphone. Nakatalukbong parin siya. Sa mesa na rin siya nakatulog kagabi. Makukuha ng kamay ang cellphone at titignan nito kung sinong tumatawag. Pagkakita, hindi niya ito sasagutin. In-end niya ang call. Tatayo si Jake at sasalampak sa sariling kama, halatang kulang pa yung tulog dahil nga sa pang-iistorbo ng taong tumawag sa cellphone niya. Maya-maya, tutunog ulit ang cellphone at iritang sasagutin ito ni Jake.
“Ano?”
Makikinig siya sa sasabihin ng kausap. Pagkatapos ay tutunguhin ang pintuan para lumabas ng kwartong iyon. Tutunguhin ni Jake ang bintana. Sisilip mula rito. Nasa tenga parin ang cellphone. Bigla ay lalabas ang mukha ni Rey na gugulat kay Jake. Tatapusin na nito ang tawag sa telepono.
“Bakit ka nandito? Umuwi ka na. Puta, ang aga-aga, istorbo. Matutulog pa ako.” Maglalakad pabalik si Jake papasok ng kwarto.
“Tanghali na. Wag ka nang matulog,” pigil ni Rey na nasa labas pa rin ng bahay.
Bubuksan na ni Jake ang pintuan ng kwarto.
“Iniiwasan mo ba ako?”
Babalik sa may bintana si Jake. Nakapamaywang siyang magsasalita.
“Oo, bakit?” sinabayan nito ang sagot ng pagtataas ng kilay.
Aabutin naman ni Rey ang kamay ng kaibigan.
“Papasukin mo ako.”
“Umuwi ka na lang. Tang-ina, baka mahampas kita dyan.”
“Okay. Papasukin mo na ako, magpapahampas na ako.”
“Ang kulit. Nakakainis.”
Akmang isasara ni Jake ang bintana.
“May sasabihin ako.”
“Tang-ina, hindi mo ba pwedeng sabihin dyan?”
“Papasukin mo muna ako.”
“Ayoko nga.”
“Sige na,” pakiusap ni Rey.
Maisasara na ni Rey ang bintana sabay ang pang-aasar nito.
“Bye. Matutulog na muna ako.”
Isasara ni Jake ang mga bintana at papasok sa kwarto.
Mananatili si Rey sa harapan ng bintana ng boarding house ni Jake. Maghihintay siya dahil aakalain niyang joke lang ito ni Jake. Maghihintay siya doon hanggang sa mainip siya at maghanap ng mauupuan. Tamang-tamang may naka-usling bato sa may pintuan ng bahay at pinuntahan niya ito para upuan. Muli, mabuburo na naman siya hanggang napag-isipan niyang bumalik na lang sa hapon. Aalis na siya nang tamang-tamang nasa gate na rin si Aling Gina, tita ni Jake, na galing sa pamamalengke dahil sa dami ng plastik na dala nito. Agad niyang sasalubungin si Aling Gina para tulungan ito sa mga dala.
“Ay! Anong gingawa mo dyan? Hindi pa ba gising si Jake?”
“Ako na po rito.”
Aabutin ni Rey ang mga dala ni Aling Gina at magmamano.
“Salamat. Kaawaan ka ng panginoon. Kanina ka pa ba dyan?”
“Hindi naman po masyado. Paalis na po sana ako, e. Buti na lang po, dumating po kayo.”
“Kumatok ka ba? Baka natutulog pa kasi si Jake sa kwarto niya.”
“Opo, ilang beses na nga po, e.”
“Pasensya ka na ha...”
Makakarating na sila ng pintuan at bubuksan ito ni Aling Gina sa pamamagitan ng susing dala. Ilalapag nito ang mga dalahin sa mesa ng sala at sisipatsipatin nito ang kaibigan ng pamangkin.
“Ang laki mo na. Ang tangkad mo na. Naku, kasingtangkad mo na si Jake. Ang tagal mo na rin kasing hindi nadadalaw dito sa amin. Pati nga sa Pangasinan, ‘di ka na yata nakakauwi.”
“Oo nga po.”
“Haynaku! Matutuwa sigurado yang kababata mo kapag nagkita kayo.”
Igagala ni Rey ang mata sa buong bahay. Ngayon lang makakapasok uli si Rey sa bahay na ito matapos ang ilang taon. Isa ito sa mga lugar na talagang hindi na niya makakalimutan.
“Upo ka muna dyan. Ilalagay ko lang ito sa kusina, tapos gigisingin ko na si Jake.”
“Ako na lang po’ng gigising sa kanya. Baka magulat po yun kapag bigla akong pumasok sa kwarto niya.”
“Sige, ikaw ang bahala,” kasabay ang pagngiti ni Aling Gina.
Maglalakad na si Rey. Didiretso sa kusina si Aling Gina samantalang sa kwarto naman ni Jake ang pupuntahan ni Rey.
Bubukas ang pintuan ng kwarto ni Jake at mula roon ay lalabas si Rey. Dahan-dahan dahil tulog na si Jake. Iingatan niyang hindi magising si Jake. Makakapasok na siya at isasara nang dahan-dahan ang pintuan. Nakadapa si Jake sa kama. Nakabalot sa kumot dahil nga sa lamig. Makikita sa kaliwa niya ang isang aparador na bahagyang nakabukas ang isang pintuan. Makikita niya ang mga nasa loob ng aparador na ito, mga damit ngunit magulong nakasalansan sa loob. Ang mga sapatos at tsinelas ay nasa sahig, nakakalat kahit na may lalagyan naman para dito. Ang bolpen na nahulog kagabi, hindi pa rin napupulot. Punung-puno na ang basurahan na nasa ilalim ng mesa. Sa ibabaw naman ay ang yellow pad na sinusulatan ni Jake kagabi. Katabi ng yellow pad na iyon ay mga crumpled papers, mga lapis, mga libro, at isang diksyunaryong ingles. Babasahin sana ni Rey ang nakasulat sa yellow paper nang biglang gumalaw si Jake sa kama at nagsabi ng:
“Ako na po bahala dyan. Ako nang mag-aayos mamaya,” nasambit ni Jake habang hindi pa rin gumagalaw sa posisyon.
Babatuhin ni Rey si Jake ng yellow paper na sinusulatan niya kahapon. Matatamaan si Jake sa likuran na tuluyang gigising sa kanya mula sa pagkakatulog.
“Hoy! Gumising ka na dyan ulol. Nakapasok na ako.”
Kukunin ni Jake ang yellow paper at ibabato rin kay Rey. Matatamaan ito sa kanang dibdib.
“Ba’t nandito ka? Puta, pa’no ka nakapasok?”
“Auntie mo. Nagulat ka, noh.”
“Oo nga, eh. Akala ko kaluluwa ka na, nakalimutan kong buhay ka pa pala.”
Tatayo mula sa kama si Jake at liligpitin ang higaan. Tatalikuran niya si Rey.
“Hindi mo yata sinabi kay Auntie yung nangyari.”
Tuloy pa rin sa pagliligpit ng higaan si Jake.
“Anong sasabihin ko? Na na¬in-love ako sa bestfriend ko? Na nagtapat ako? Na binalandra mo’ng katawan mo? Na hinawakan ko yang titi mo? Na putang-inang bwisit ka sa buhay ko?”
Lalapitan ni Rey si Jake at yayakapin habang nakatalikod ito.
“Jake... Sorry na. Jake, sorry na.”
“E ano pa nga ba?” Katahimikan. “Tang-ina panalo ka na naman.”
Pinaharap ni Rey si Jake.
“Hindi mo ako matiis noh.”
“Tanga, anong hindi matiis? Kung sipain kaya kita dyan. ‘Di ba yun lang hinihintay mo kaya ka nandito. Okay na, pwede ka nang umalis.”
“’Di magpapasipa ako. Hindi rin kasi kita matiis e.”
“Hindi matiis ka dyan, puta, hindi mo man lang ako pinansin pagkatapos nung araw na iyon,” may halong panunumbat ang tinig na iyon ni Jake.
“Hindi mo lang kasi alam. Hindi kita pinapansin para mawala ka sa isip ko. Kaya lang ang kulit ng lahi mo, di kita makalimutan.”
Magkakatitigan ang dalawa. Isang makahulugang pag-uusap na tanging sila lang ang magkakaintindihan. Mangingiti si Rey at hahalikan si Jake. Labi sa labi. Hindi matagal at hindi rin mabilis. Sensual ang halik na iyon. Tama lang ang tagal.
“Ano yun? Puta, bakla ka na ba?”
“Wala yun.”
Tataas ang kilay ni Jake sa sagot na iyon ni Rey.
“Paano mo nalaman na nandito pa rin ako kina Auntie?” Tanong ni Jake.
“Nagbaka-siguro lang. Buti nga hindi ka pa lumilipat.”
“Bakit ako lilipat? Libre kayang stay ko dito kina Auntie.”
“Gusto mo bang lumipat?”
Hindi makasagot si Jake sa tinurang iyon ni Rey. Hindi niya mahinuha kung anong tumatakbo sa isip ng kaibigan.
+++
Meyk-Up (continuation)
Magigising si Jose sa pagbatingting sa seldang iyon. Titingin siya sa parte kung nasaan ang kasama sa seldang iyon, gising na siya. May magbubukas ng selda at magbibigay ng dalawang platong kanin at kamatis na may pritong tinapa.
“ Almusal niyo.”
Susubo na sana si Jose nang buksan uli ang selda at darating yung nanghuli sa kanya.
“Laya ka na.”
“Bakit? May nagpiyansa sa akin?”
“Wala.”
“Bakit ako palalayain?” pagtataka ni Jose.
“Gago ka, wala nang tanong-tanong. Gusto mo, di kita palabasin diyan, e.”
Isang palaisipan ang biglaang pagpapalayang iyon sa kaniya. Alam niya, may binabalak ang mga ito.
Pinalabas nga siya sa seldang iyon at inakay papunta sa isang kwarto. Tatlong pulis ang nandoon. Nakaupo sa paligid ng isang mesa. Nakangisi. Parang demonyo. Kung tama ang hinala niya, parang ganito yung mga napapanood niya. Parang ganito yung interrogation room na tinatawag nila.
Itinulak si Jose papasok sa kwartong iyon.
“Pare, hetong hamon namin sa’yo. Wala ka nang utang sa’min kapag tinira mo iyang putang yan.” Kaba ang naramdaman niya sa narinig na sambit ng isa sa kanila.
“Tang-ina, P’re, wala namang ganyanan. Parang binaboy niyo na ako, ah,” pandidiri ng payat na pulis.
“Bahala ka. Ikaw rin, parang gusto kong ipaalala sa’yo na bago ka lang dito. Tang-ina, isipin mo lang na babae to, pare. Masasarapan ka naman ah, masikip yan. Ipikit mo lang yang mata mo. Kalimutan mo lang yang pagmumukha niya.”
Si Jose naman ang pinagtuunan ng pansin ng pulis.
“Hoy, ikaw, maghubad ka na diyan. Pasayahin mo itong kaibigan namin.”
“Putang-ina ka, bakit ka pa kasi dito nakulong,” pagsisisi ng pulis na paparusahan.
Sigaw ng paghingi ng tulong ang naisagot ni Jose sa nakaambang pangyayari. Magwawala. Hinawakan siya ng isa sa mga pulis. Tinakpan ng kamay ang bunganga. Sumigaw pa rin siya. Nilakasan niya. Sumigaw pa. Sumigaw pa. Bumulong sa kanya ang pulis na iyon.
“Sige, sisigaw ka o baka naman gusto mong makulong sa buong buhay mo? Ah, baka gusto mo ring makalimutan ng mga nakakakilala sayong buhay ka pa?”
Titigil sa pagwawala si Jose.
“Ayan, mabait ka rin pala, eh.”
Pinadapa siya sa mesa at ibinaba ang puting palda na suot niya, kahapon pa. Nag-isip siya ng paraan para mawala ang isip niya sa kasalukuyang tinik na dinadaanan. Kunwa’y nag-aayos siya ng buhok. Kunwa’y namamasyal siya sa magagandang mga lugar sa Baguio o sa Pangasinan kaya. Kunwa’y nakikipag-usap pa siya sa mga ibon sa himpapawid. Ngunit ang mga pagsisinungaling ng isipan ay hindi matatalo ang pisikal na hapding dulot ng kasalukuyan. Ang kunwa’y pag-aayos ng buhok ay naging pagsaksak ng gunting sa sarili. Ang pamamasyal ay naging panginginig sa matinding lamig sa Baguio at pagkalunod sa maalong dagat ng Pangasinan. Ang paglipad sa himpapawid ay katumbas ng paglagapak sa tigang na lupang kasing tigas ng isang kamang bato. Nasasaktan ang katawan. Nadadamay ang kaisipan.
Sa bawat bira ng pulis kay Jose, parang pumumutok ang bawat ugat sa katawan.
+++
Magmamadaling tutunguhin ni Jose ang pintuan pero makakabangga niya ang kanyang ate. Mahuhulog ang lata ng biskwit na dala-dala ng ate nito.
“Jose! Bakit ngayon ka lang? Hindi ka man lang naawa kay nanay. Ikaw na nga lang kasama niya dito sa bahay, iniwan mo pa.”
“Ate, ikinulong nila ako.”
“Ano naman kasing pinaggagawa mo? Buti na lang nagpunta kagabi si Ninoy dito sa bahay. Kung hindi baka nabubulok na yang bangkay ni nanay dyan sa bahay bago pa namin malaman.”
“Ate? Patay na si nanay?”
“Oo, inatake raw sa puso, alam mo, kasalanan mo ‘to, e. Sa’n ka ba kasi nagpupunta?”
“Yung make-up ate, kinuha ng mga pulis, ikinulong nila ako.”
“Aanhin mo yun...”
“Ninakaw ko yan kasi sabi ni nanay, meyk-apan ko raw siya bago mamatay. Ate, yung make-up, kinuha ng mga pulis. Kinuha nila ate. Binawi nila.”
Magyayakapan ang dalawa. Mag-iiyakan hanggang may bubusinang sasakyan. Mapapatingin dito ang dalawa.
>>>
Present
“Boracay”
Malobobo, Mangatarem, Pangasinan
Pipreno si Rey at magbubusina. Hawak niya ang manebela, si Jake naman ay tulog sa tabi niya. Sa biglaang pagprenong iyon at lakas ng busina, maaalimpungatan si Jake. Mapapatingin ito kay Rey at hahawakan ang balikat nito.
“Ano ba yan, tang-ina, ang ingay,” pagbibiro ni Jake.
“May sumingit, e,” pagtatanggol ni Rey sa sarili.
Iniliko lang ni Rey ang manibela at:
“Nandito na tayo.”
<<<
2004
“Boracay”
Malabobo, Mangatarem, Pangasinan
Magdadapit hapon na nang makarating si Rey sa ilog na ito na tinatawag na “Boracay.” Walang nakakaalam kung sino ang nagbinyag ng pangalan ng lugar. Basta ang alam niya, wala masyadong ibang tao ang nadadako sa lugar na iyon. Mas mapipili nga ito kaysa sa Manleluag Hot Spring ng Mangatarem na dalawa o tatlong kilometro lang ang layo sa Boracay.
Tama nga siya nung araw na iyon. Wala ngang ibang tao ang naroon.
Hindi man ganoon kaganda ang tanawin, napanatag naman ng ilog ang isipan niya. Umupo siya sa ilalim ng punong mangga na katabing-katabi lang ng ilog.
Panatag ang ilog. Malamig sa mata. Maganda ang tanawing repleksiyon ng papadilim nang langit. Nakaeengganyo ang tinig ng mga maliliit na ibon. Nakakauhaw ng kaluluwa ang lagaslas ng tubig sa ilog na iyon. Malamig ang boses ng hanging mula pa sa malayong dako. Kabaliktaran ng nararamdaman ni Rey sa kasalukuyan.
Pumulot si Rey ng isang maliit na bato at pinatalon sa ibabaw ng ilog. Nabilang niya ang lundag na iyon ng bato bago lamunin ng malamig na tubig. Walo. Walo, gaya ng nagagawa niya dati.
Mapapangiti si Rey.
“O, ikaw naman. Nakawalo ako. Kaya mo ba yun?”
Titingin siya sa kaniyang kaliwa at mapapawi ang ngiti sa labi niya. Sa mga oras na iyon, napahiya siya sa sarili niya. Parang kanina lang, habang ibinabato niya ang maliit na bato, nasa tabi niya si Jake.
Tumakbo ang paningin niya sa paligid. Sinigurado niyang walang ibang tao.
“Gago ka Jake!” sigaw niya. Umalingawngaw ang sigaw na iyon. Malamig na simoy ng hangin ang sumagot sa kaniya.
>>>
Present
“Boracay”
Malabobo, Mangatarem, Pangasinan
Magkatabi silang dalawa. Nakaupo sa lilim ng punong katabi ng ilog na iyon sa tinatawag na “Boracay ng Pangasinan.” Solo nila ang parteng iyon. Walang ibang tao, walang istorbo. Sa kanila lang talaga. Matagal nang nagpupunta rito ang dalawa. Malaki ang naging parte ng ilog na ito sa buhay nila. Dito sila nag-aouting ng mga kaklase sa hayskul.
Malapit kay Ray ang ilog na ito. Ito ang nagmistulang naging bestfriend niya noong hindi na sila nagpapansinan ni Jake noong hayskul. Ang ilog na ito ang sumasalo ng mga boses na binibitawan niya dulot ng pagsisisi nito sa nangyari.
Ngayon, sa ilog na ito, magkasama sila. Nakatingin sa malayo. Sa lugar na hindi matanaw ng kanilang paningin. Ihihilig ni Jake ang ulo sa balikat ni Rey.
“Alam mo, tang-ina, hindi ko alam kung anong meron sa relasyong ito. Tayo na ba?” pagtatapat ni Jake.
“Ewan. Hindi ko alam.”
Titingin si Jake kay Rey na nakatingin sa mga alon.
“Ikaw talaga, ang labo mo,” pangungulit ni Jake.
Pipingutin niya ang ilong ni Rey.
“Ang labu-labo mo.”
Titigil na sa pangungulit sa Jake. Sasama na siya kay Rey sa panonood ng paroo’t paritong agos ng tubig.
“Mahal mo pa ba ako?” tanong ni Rey.
“Paanong pagmamahal. Tang-ina, bilang ano?”
“Yung dati.”
“Yung dati?”
“Bago tayo maghiwalay.”
“A.”
“A ka jan.”
“Bilang magbestfriend?” tanong ni Jake.
“Hindi.”
“E ano?”
Mag-iisip si Rey. Hindi niya mabigkas ang mga bagay na gustong bigkasin.
“Mahal mo pa ba ako?” pag-uulit ni Rey.
“Tang-ina, nakakatakot sagutin yan.”
“Nakakatakot?”
“Ayokong mangakong mahal kita.”
“Bakit?”
“Rey, hindi ako sigurado sa nararamdaman ko ngayon. Puta, ayokong mapahiya sa sarili ko.”
“Ano bang nararamdaman mo ngayon? Paano mo nasabing mapapahiya ka sa sarili mo.”
“Tang-ina, parang walang kasiguruhan. Ayokong masaktan sa huli.”
“Hindi kita sasaktan.”
“Tang-ina, hindi ko sinasabing sasaktan mo ako.”
“Nangangako ako.”
“Ayokong mangako ka.”
“Bakit? Gusto kong mangako ako.”
“Puta, ayoko. Para sa’n?”
“Para sa relasyon na ‘to. Para sa relasyon natin.”
Tatayo si Jake.
“Sige nga, sabihin mo. Tang-ina, sabihin mo kung bakit kailangan nating mangako sa isa’t-isa. Gusto kong malaman kung bakit,” pag-uusisa ni Jake.
Pupunta na siya ngayon sa harapan ni Rey. Haharapin niya ito. Maghihintay siya ng sagot sa sinabi niya. Pero hindi na siya makatiis.
“Rey, ibabalik ko sa’yo yung tanong mo. Mahal mo ba ako?”
Iiwas ng tingin si Rey.
“Hindi ko alam. Ewan,” sagot ni Rey
“Tang-ina, ang labo mo.”
“Malabo nga. Ang alam ko lang, gustong-gusto ko ng ganito. Yung tayong dalawa palagi. Gaya ng dati.”
“Ako rin.”
Lulusong sa ilog si Jake. Lulusong siya hanggang umabot ang tubig sa tuhod niya. Nakatalikod kay Rey na nakapirmi parin sa kinauupuan sa tuyong parteng iyon ng dagat. Mag-uusap silang dalawa. Mas malakas kesa kanina para magkarinigan sila.
“Tinanong kita kahapon kung bakla ka na ba pero hindi ka sumagot,” kalmadong paalala ni Jake.
“Hindi ko alam ang sagot. Nalilito ako.”
“Bakit ka nalilito? Tang-ina, anong dahilan?”
“Kasi sa tingin ko, oo nga, kabaklaan ang pagpatol sa kapareho. Kaya lang nandito parin yung pakiramdam na ako yung magiging lalaki sa relasyon natin. Pero alam ko, makakabawas sa pagkalalaki ko ang pagpatol ko sa’yo.”
Tatayo sa kinauupuan si Rey at tutungo sa kinaroroonan ni Jake. Yayakapin niya ito.
“Pero parang mas masaya ako kung magiging bakla nga ako. Bakla na ako kung bakla. Wala akong pakialam. Gusto ko, tayo. Alam kong tayo. Ikaw, hawak mo ako. Ano bang gusto mong maging ako?”
“Gusto kong malaman kung ano nga bang totoo?”
Hahalikan ni Rey si Jake sa batok.
“Mula hibla ng buhok mo kung saan naaamoy ko ang dahilan para mabuhay, hanggang sa marka ng paa mo sa bawat pagpanhik ko sa bukas, ayokong mabura ang lahat ng ikaw. Ang totoo, naguguluhan ako kung paano ko haharapin ang buhay ko. Pero ang alam ko, mahal kita. Mahal na mahal.”
>>>
Present
Rey’s Apartment
Aurora Hill, Baguio City
Nakaupo si Rey sa sofa, nanonood ng telebisyon. Ang problema nga lang, hindi niya alam ang nangyayari sa telebisyon. Nakatingin nga siya rito pero hindi niya makita ang tunay na nilalaman ng programa. May naglalaro sa kanyang mata. Sa mga hagulgol ng bawat artista sa dramang pinapanood, humihiyaw ang isipan niya sa pagpili ng landas na tatahakin. Sa bawat sitwasyong ipinalalabas sa dramang ito, naiisip niya ang mga mangyayari sa mapipiling daan. Nagsimula ito sa balita kanina: Hinihinalang leader ng NPA, napatay sa La Trinidad matapos ang mainitang engkwentro.
Hindi alam ni Jake. At hindi pa rin niya pwedeng malaman.
Kasapi si Rey sa hukbong ito na tinutugis ng militar.
<<<
2005
Tawang, La Trinidad
Isang magandang estratehiya para sa pangkat ang pagiging sanay ng bawat miyembro sa lugar na pagtataguhan at pagtatayuan ng pangkasalukuyang base. Magaling ang bagong kasaping si Bong sa paghahanap ng lugar na ito. Tamang taas para mabantayan ang mga daang patungo sa base. Masukal ang bundok upang mahirapan ang mga sasakyang panghimpapawid na makita ang hukbo na itinatago ng malalapad na katawan ng mga puno. Delikadong mga daan para mahirapan rin ang mga aakyat, konting pagkakamali lang ay sa bangin sila matutuloy. May lagusan rin na maaaring gawing daan sa mga tumatakas na kasamahan kapag napasok ng militar ang base.
Si Bong rin ang masasabing malaki ang tulong sa samahan. Siya ang kadalasang nag-iisip ng mga estratehiyang sumasakatuparan ng ideolohiyang pinanghahawakan ng grupo. Dahil dito, nabigyan siya ng palayaw na “Utak”. Gayunpaman, nabigyan man siya ng palayaw, tinatawag parin siya ni Rey sa totoo nitong pangalan.
Nabigyan na ng mataas na posisyon si Bong nang maging kasapi si Rey sa samahan.
Sa Baguio unang nakilala ni Rey si Bong. Isa sa parte ng selebrasyon ng Panagbenga ang Session in Bloom kung saan nag-iimbita ng mga entrepeneurs mula sa iba’t-ibang parte ng bansa ang pamunuan ng event para maipamahagi ang kanya-kanyang katangian ng mga rehiyon sa mga turista at mga mamamayang dadalo sa pagdiriwang.
Isa sa naipamahaging estratehiya ni Bong ang pagtulong ng samahan sa mga mamamayang nakapalibot sa base para makuha ang loob ng mga ito. Nakakasama ng mga mamamayan ang ilan sa mga miyembro sa pagbiyahe ng mga kalakal, nagagamit ang pisikal na kakayahan sa mga pagkakataong kinakailangan, at nakakatulong sa mga medikal na kakulangan sa mga baranggay. Malaki ang tulong ng estratehiyang ito. Sa pamamagitan nito, nakapaglalakbay ang mga miyembro sa labas ng nasasakupan para makakuha ng mga gamot sa isang doktor na sumusuporta sa grupo. Ang mga mamamayan rin ay nagbibigay ng tulong sa grupo sa pamamagitan ng pamimigay ng ilan sa kanilang ani.
Sa taong ito, si Bong na mismo ang sumama sa mga mamamayan sa pagsali ng mga ito sa Session in Bloom.
Marami silang entry sa taong ito. Mga ani: Kilala ang La Trinidad bilang Strawberry Capital ng Pilipinas pero hindi lang dito sumisentro ang mga naitatanim nila. Umaani rin sila ng iba’t-ibang gulay. Dito rin nanggagaling ang mga yakon at iba pang root crops na binabiyahe pa patungong Baguio. Maging sa bulaklak ay hindi sila pahuhuli. Hindi lang mga strawberry ang nakatanim sa Strawberry Farm nila, mahahalimuyak rin ng mga mata ng turista ang iba’t-ibang kulay ng mga naggagandahang daisy, rosas, at iba pang makukulay na bulaklak. Hindi rin pahuhuli ang mga wines nila mula sa mga prutas (strawberry wine, duhat wine, yakon wine, at kung anu-ano pang prutas na napipitas lang sa kabundukan ng La Trinidad.
Sa mga taong ito, nasa unang taon na ng kolehiyo si Rey sa SLU sa kursong Theater Arts. Katatapos lang ng klase nang magtungo si Rey sa Session. Huling araw na ito ng Session in Bloom. Tamang-tamang nasa stall siya ng mga taga-La Trinidad nang nabalitang naglilibot sa lugar ang pangulo. Nakita niya ang pagkainis sa mukha ni Bong sa narinig na balita. Doon pa lang, alam na niyang magkakasundo silang dalawa.
“Ang sikip na nga ng Session, makikipagsiksikan pa siya dito,” ani Bong.
Napatingin sa kaniya si Bong. Nagbigay naman ito ng sarkastikong ngiti.
“Nagpapabango kasi,” ani Bong.
Tama nga ang nasa isip ni Rey. Magkadugtong nga ang takbo ng isip ng dalawa.
Ilan pang maka-ideyolohiyang pag-uusap. At ilan pa hanggang hindi na lang namalayan ni Bong na nag-uusap na sila tungkol sa samahang kung saan siya kasapi. Hindi nahikayat ni Bong si Rey na sumapi sa samahan pero nakapagpalitan sila ng number ng telepono. Nangako si Rey na pag-iisipan niya ang napag-usapang pagsapi.
Hindi man sumapi, napilitan naman siyang sumama sa base ng grupo.
“Magaling itong estratehiya niyo, masukal at matarik. Natatakot na nga ako ngayon, eh,” ani Rey na hinihingal sa hindi matapos-tapos na paglalakad at pag-akyat.
“Kailangan, e,” sagot ni Bong na nasa unahan para gabayan si Rey.
Ilang lakad pa. Lakad pa.
Napansin ni Bong na pagod na si Rey kaya nagpahinga muna sila sa isang malaking bato na nasa tabi ng daan.
“Ang layo pala. Nakakapagod,” hinihingal pa rin na sabi ni Rey.
“Sanayan lang iyan. Kailangan talagang ganito, e. Kailangan naming umakyat para maabot namin yung mga nagrurunungrunungan.”
Makahulugan ang nabanggit na iyon ni Bong.
Sa isip ni Rey, maganda ang dulot ng pagkahubog ng ideyolohiya nitong si Bong. Makatotohanan.
Buo ang pagtanggap sa kaniya nang makarating na sila. Dito mapapatunayan ang laki ng respeto at paggalang ng mga kasapi sa utak ng grupo.
Gayumpaman, hindi pa rin nahikayat si Rey sa pagsapi.
Pababa na sila ng bundok nang mabuksan muli ang suhestiyong pagsama ni Rey sa grupo. Muli, hindi niya ito tinanggap. Para sa kaniya, may ibang paraan. Tutulong na lang siya sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga dula na bubulong sa mga tenga ng mga manonood. Magsusulat siya ng mga kwentong makakapagbigay kaalaman sa mga tao kung ano ang magagawa nila. Ipapasok niya sa mga isip ng mga manonood kung ano ang realidad.
>>>
Present
Rey’s Apartment
Aurora Hill, Baguio City
Natinag si Rey sa pag-iisip ng nakaraan nang marinig ang pinagsamang paggisa ng gulay at pagkanta ni Jake. Iwinaglit muna niya ang iniisip para magparamdam kay Jake.
“Jake, wag mo masyado lutuin yung gulay.”
“Yeah, I know,” sagot ni Jake nang may kasamang pagsilip mula sa kusina.
“Matagal pa ba yan?” Ngiti naman ang naiganti ni Rey sa pagsilip na iyon ni Jake.
“Medyo. Magtiis ka dyan noh, tang-ina, kakain na nga lang gagawin mo e.”
May kakatok sa pintuan at pagbubuksan ito ni Rey. Dalawang pulis ang makikita ni Rey sa labas. Hindi niya mawari kung ano ang mararamdaman. Kaba. Kaba ang nararamdaman niya sa tuwing nakakasalamuha siya ng mga taong lumalaban sa katotohanan.
“Ikaw ba si Rey Santos?” Tanong ng isang pulis.
“Bakit po? Anong kailangan nila,” pagtatakang tanong ni Jake. Papapasukin niya ang mga ito ngunit magpipilit na sa labas na lang ng bahay.
“Sumama ka sa amin.”
Hahawakan siya ng dalawang pulis sa magkabilang braso para hindi makapanlaban. Magpupumiglas si Rey. Hihingi sana siya ng tulong sa kapitbahay, kay Jake, pero nandoon ang pangamba na madamay ito sa mangyayari. Na maaaring barilin si Jake matapos niyang mamukhaan ang mga taong dumadakip sa kanya ngayon. Magpupumiglas pa rin si Rey. Kumakawala sa mahigpit na pagkakaakay sa kanya Kakawala. Pipigilan niyang mag-ingay upang hindi ito marinig ni Jake. Alam niyang lalabas at ipagtatanggol siya ni Jake. Sa paglabas na iyon, baka barilin siya ng mga ito.
“San niyo ako dadalhin? Bitiwan niyo ako! Bitiwan niyo ako! Mga gago kayo, sa’n niyo ako dadalhin? Bitiwan niyo ako,” kalmado niyang sabi sa mga pulis. Tama lang para hindi siya marinig ng mga kapitbahay at lalo na ni Jake.
Samantala, mapapalingon si Jake sa bukas na pintuang nakikita ang sala. Kakabhan. Papatayin ang niluluto. Lalabas siya ng kusina. Wala siyang makikita sa sala pero nakasindi parin ang TV. Lalabas na siya ng bahay para hanapin si Rey kung nasa labas nga. Lalabas si Jake pero wala rin sa labas si Rey. Lilibutin niya ng tingin ang labas ng bahay hanggang sa makita niya ang isang tsenilas ni Rey na panloob ng bahay. Kaba ang naidulot ng tsinelas na iyon ni Rey. Kaba at pagtataka. Pagtataka sa biglang pag-alis, kung pag-alis nga ni Rey. Pagtataka at pangamba. Pangamba sa hindi pamamaalam ng katipan.
>>>
After five months
Jake’s Apartment
Cabinet Hill, Baguio City
Ilang buwan na rin akong umaasang nagbibiro lang si Rey sa pagkawala niya. Na sana gigising na lang ako sa kwarto ko, katabi ko siya. Okay na sa akin yung batuhin niya ako ng kung anu-ano habang natutulog.
Mas okay yun kesa mawala siya.
Ilang buwan na, wala pa rin siya.
>>>
Ulan ng Sariling Ulap (Play)
Saint Louis University
Madilim ang stage, nakay Jake ang spotlight. Nasa gitna siya habang napapaliguan ng ilaw na ito. Tititigan siya sa audience. Mananatiling ganun.
“Minsan, ipinagdadasal ko na patay na nga siya para hindi na ako umasa. Hanggang wala kasi siya, nandoon yung posibilidad na sumulpot pa rin siya, na buhay pa siya. Mas gusto ko pa yung isiping may iba siya kesa mawala siya.”
Mawawala ang spotlight. Lalamunan ng karimlan ang buong lugar. Ilang sandaling magiging ganoon. Pagkatapos ay sisindi ang lahat ng ilaw. Lalapit siya sa pinakaharap ng stage. Matatawa.
“Ang sakit ng ginagawa niyo. Tang-ina, ang babastos niyo. Mga walanghiya kayo. Ngayon, ako na ang babastos sa inyo. Ako na. “
Tatawa pa ulit siya. Tatawa. Tatawa hanggang mapaluhod at iiyak. Kadiliman.
“Nasanay kayo na kayo ang tumatawa. Sana kami rin.”
>>>
After one year
Wet Section, Baguio Public Market
Tutuloy siya sa paglalakad. Maririnig sa mga malalakaran niya ang mga tinderang nanghihikayat sa mga dumadaan ng kanilang mga panindang gulay. Ganoon siya – maglalakad nang walang pakialam sa mga nadadaanan. Hanggang makabangga siya ng isang batang sampung taong gulang (si Jay-Ar). Payat at madungis ang bata, pero ang kaibhan niya sa ibang mga bata ay ang santan na nakasabit sa tenga nito. Dahil nga sa payat ang bata, mapapaupo ito sa tuyo ngunit maalikabok na sahig ng palengkeng iyon. Tutulungan niya ang bata ngunit siya na mismo ang tumulong sa sarili niya. Pagkatayo, makikita ang mabait at maayos pa rin na mukha ng bata, walang mababakas na galit mula dito. Titingin siya kay Jake at sasabihing:
“Pansinin niyo naman ako. Nandito lang ako.”
“Sorry, bata.” Hindi niya namalayan na natuon ang pagtitig niya sa bata.
Paalis na ang bata pero pipigilan ito ni Jake.
“Sandali. Bata, sandali. Sorry. Gusto mo bang magmeryenda?”
Tumigil sa paglalakad ang bata matapos marinig ang suhestiyon na iyon ni Jake. Sa pagtigil na iyon, para na ring pumayag ang bata kay Jake.
“Ano palang pangalan mo?”
“Jay-ar po.”
>>>
Burnham Park, Baguio City
Nakaupo sa de sementong upuan ang dalawa at kumakain ng chichirya at sofdrink. Maraming chichiryang binili si Jake, kasama nun ay tatlong plastik ng softdrinks. Dalawang plastik ang sa bata. Papanoorin ni Jake ang bata. Marami kung ngumata ang bata. Parang mauubusan. Parang ngayon lang magkakaroon ng prebilehiyo para kumain, at kailanman ay hindi na mauulit pang muli.
“Ang bata mo pa . . .” hindi maituloy ni Jake ang sasabihin.
Lulunukin muna ng bata ang kinakain sa tulong ng softdrink.
“Bakla na? Sabi nga rin po nina tatay. Palagi nga nila akong pinapalo, e.”
“Hindi, ang bata-bata mo pa lang matalino ka na. Marunong,” ani Jake kasabay ang makahulugang pagngiti.
“Nambola ka pa po.” Kakain ng chichirya. Mabibilaukan ito dahil may biglang naalalang itanong. “Ikaw, kuya? Anong pangalan mo?”
“Oo nga pala noh. Tawagin mo akong Jake. Jake ang pangalan ko.”
“Bakit niyo pala ako nilibre?”
“Wala, parang nakikita ko kasing sarili ko sa’yo. Para nga ako bumata eh.”
“Kamukha ko ba kayo?” sisispatsipatin ng bata si Jake. “Hindi kaya.”
“Kaugali.”
“Paanong kaugali?” pagkunot ng noo ang kasabay ng tanong na iyon ng bata.
“Ang dami mong tanong.”
“Sabi nga nila, makulit ako. Ang kulit-kulit ko raw, kasing kulit ko yung mga pinakamakukulit dun sa amin. Makulit ka rin ba dati?”
“Basta.”
“Hindi ka madaldal kuya noh.’
“Halata ba?”
Titignan ni Jay-Ar ang relo ni Jake.
“Anong oras na po?” tanong ng bata.
Titignan ni Jake ang relo.
“Five-thirty na.”
“Five-thirty na po?”
“Hindi ka pa ba uuwi? Baka hinahanap ka na sa inyo.”
“Oo nga po.”
Guguluhin ni Jake ang buhok ng bata.
“Sige, ingat na lang ha, nice meeting you,” paalam ni Jake.
“Pwedeng akin na lang ‘to?” kasabay ng turo sa mga di pa nabubuksang sitsirya.
“Ikaw talaga,” tawa ang kasabay sa sagot na iyon ni Jake. “Go lang. Kunin mo na lahat yan.”
“Thank you po.”
“Sandali,” pagpipigil ni Jake sa bata habang isinisilid ang sitsirya sa isang supot.
“Bakit po?” pagtataka ng bata.
“May ibibigay ako sa’yo,” kasabay ng pagdukot ng isang bagay sa bag na dala.
Maghihintay ang bata sa ilalabas ng bagong kaibigan. Aasam siya ng mga bagay na katulad ng tsokolate, kendi, o di kaya ay damit. Magugulat na lang siya sa ilalabas ni Jake mula sa bag. Isang piraso ng tsinelas – tsinelas na naiwan ni Rey mula nung araw na nawala siya.
“Ha? Ano po yan?” pagtatanong ng bata.
“Ikaw, ano ang naiisip mo sa isang piraso ng tsinelas na ito?”
“Kung nasaan po yung kaparis?” medyo natagalan ngunit naisagot ng bata.
“Hindi ko rin alam eh,” mapapakamot sa ulo si Jake.
Hindi makakasagot ang bata. Hindi niya alam kung paano. Iniabot ni Jake ang tsinelas.
“Sa’yo na iyan. Isang taon na iyan sa akin. Ingatan mo, ha.”
“Ha? Ano pong gagawin ko dito? Bakit po isang taon na? Sino bang may-ari nito?”
Ngiti lang isinagot ni Jake.
“Sige, baka hinahanap ka na,” pamamaalam ni Jake.
Hindi pa rin matitinag ang bata. Ilang sandali pa ay maglalakad na ito palayo. Dala-dala ang mga tira-tirang mga chichirya at ang tsinelas. Nakangiting papanoorin siya ni Jake habang palayo. Siya naman, aalis na rin. Maglalakad sa ibang direksiyong tinunton ng bata.
“Gusto kong bumalik sa pagkabata. Hindi ko nasabi sa batang iyon na kaya ko nasabing magka-ugali kami na pareho kami ay dahil sa gusto kong bumalik sa pagkabata. Bumalik sa nakagisnan. Ibalik ang nakaraan. Gusto kong ayusin ang nakaraan. Tama nga talaga si Rey dun sa sinabi niya na wag dapat magmadali. Lahat na lang kasi ng ginawa ko na alam kong minadali, pinagsisisihan ko sa huli. Dadahan-dahanin ko na ngayon. Aayusin ko na.”
Titigil siya sa paglalakad at titingala sa papadilim nang kalangitan.
“Salamat, Rey.”
[END]


